Ano-ano nga ba ang mga maaaring kinakaharap ng mga pisikal at virtual na espasyo ng retail sa Pilipinas?
Para sa proyekto ng klase sa Archi 299 Graduate Seminar ng Kolehiyo ng Arkitektura ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, sa pakikipagtulungan ng Office of the Extension Program at ng Integrated Graduate Program ng kolehiyo, magkakaroon ng webinar na pinamagatang Sari-saring Espasyo: Pisikal at Virtual na Espasyo ng Retail ngayong ika-18 ng Enero 2023 sa ganap na ika-3 ng hapon. Sa araw na iyon, makibahagi sa talakayan ng webinar sa FB Live ng UP Diliman College of Architecture Facebook Page.
Ang webinar na ito ay inihahandog ng Kolehiyo ng libre para sa publiko kabilang ang mga estudyante at propesyunal. Inaanyayahan namin na mag rehistro ang lahat ng gustong dumalo gamit ang link na ito: https://bit.ly/UPCA-Archi299. Para malaman ang iba pang detalye ukol sa webinar, maaaring magpadala ng mensahe sa email na ito: [email protected].
Abstrak:
Ang mga espasyo ng retail sa Pilipinas—tindahan at pamilihan kung saan natin binibili ang ating mga pangangailangan sa araw-araw nating pamumuhay—ay kakikitaan ng pisikal na katangian na sumasalamin sa kung papaano nito tinutugunan ang mga materyal nating pangangailangan.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, masasabing nilalarawan ng pisikal na anyo ng mga espasyong ng retail ang mga pagbabago sa lipunan at ng mga Pilipino. Mula sa aktibong pakikipagkalakalan sa prekolonyal na panahon hanggang sa kasalukuyan, ang pag-usbong at patuloy na pagbabago sa mga pamilihan at iba’t ibang espasyo ng retail ay naiimpluwensiyahan ng iba’t ibang produkto at salik sa pagdaan ng panahon.
Sa kasalukuyang panahon, ang “pagbisita” natin sa mga virtual na espasyo ng retail nang hindi umaalis sa pisikal na espasyo ng ating mga tahanan ay napaigting nuong kasagsagan ng pandemyang Covid-19. Ang internet at teknolohiya, bukod sa napapabilis at napapagaan nito ang mga gawain at proseso, ay may malaking impluwensiya hindi lamang sa paghubog ng kasalukuyang pisikal na espasyo ng retail kundi sa paglago pa ng mga virtual na espasyo nito.
Ang lahat ng mga pagbabagong ito sa pisikal at virtual na espasyo ng retail ay tatalakayin sa seminar na ito. Kaakibat pa nito ang pagpapaliwanag sa gawi ng mga Pilipino sa pagbili bilang konsyumer, gayun din ang pagsasahalimbawa ng mga makabagong espasyo ng retail tungo sa pagtanto natin sa katanungang:
Ano-ano nga ba ang mga maaaring kinakaharap ng mga pisikal at virtual na espasyo ng retail sa Pilipinas?
Source: UP Diliman College of Architecture Facebook