Bagong Faculty Regent nanumpa

Written by Fred Dabu

Panunumpa ni Katuwang na Propesor Carl Marc Ramota (sa kanan) bilang Faculty Regent ng UP. Photo ni Misael Bacani (UP MPRO) .

Nanumpa si Katuwang na Propesor Carl Marc Ramota bilang ika-27 na Rehente ng Kaguruan o Faculty Regent ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa seremonya ng panunumpa kaninang umaga, ika-4 ng Enero 2023, sa UP Board of Regents (BOR) Room sa Quezon Hall, UP Diliman, Quezon City.

Katuwang na Propesor ng Agham Pampulitika si Ramota. Siya ay magsisilbing kinatawan ng mahigit 4,000 kaguruan ng UP sa BOR o Lupon ng mga Rehente hanggang ika-31 ng Disyembre 2024.

Bilang rehente, ang ilan sa kanyang mga layuning matupad sa loob ng dalawang taon ay: rebyuhin at repasuhin ang mga patakarang nakakaapekto sa empleyo at gawaing akademiko ng kaguruan, higit pang isulong ang well-being ng kaguruan, madagdagan ang mga benepisyo at pribilehiyo sa mga serbisyo at pasilidad ng UP, at matugunan ang mga suliranin sa empleyo tulad ng tenure at work overload.

Nagsilbing pambansang pangulo ng All UP Academic Employees Union (AUPAEU) si Ramota noong 2017-2020 at pangulo ng tsapter ng AUPAEU sa UP Manila noong 2014-2017. Siya ay aktibo sa mga adbokasiya at pambansang organisasyong nagsusulong ng kapakanan ng mga guro at kawani sa sektor ng edukasyon, at ng karapatang pantao. Siya ay Convenor ng network na Akademya at Bayan Kontra Disimpormasyon at Dayaan (ABKD) mula 2021; fellow sa governance think tank na Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) mula 2011 hanggang sa kasalukuyan; board member ng Crispin B. Beltran Resource Center, isang labor think tank, mula 2012 hanggang sa kasalukuyan; at Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers – State Universities and Colleges (ACT-SUC) mula 2014 hanggang 2021.

Ang bagong Rehente ng Kaguruan ng Unibersidad ng Pilipinas (naka-puti sa gitna) kasama ang mga kasapi ng All UP Academic Employees Union. Photo ni Misael Bacani (UP MPRO).

Si Ramota ay naging Chairperson ng Department of Social Sciences, College of Arts and Sciences (CAS), UP Manila noong 2010-2013, at coordinator ng programa nito sa Political Science mula 2008-2014.

Inaanyayahan ni Ramota ang kaguruan na maging aktibo sa paggawa ng mga desisyon at sa mga kampanya sa pangangalaga ng kalayaang akademiko at sibil sa loob at labas ng pamantasan.

Source: https://up.edu.ph/bagong-faculty-regent-nanumpa/